Gentleman007
Forum Expert
Kailangan nating lahat ng mabubuting kaibigan sa buhay. Kaya kapag parang wala tayong makausap o walang nakakaintindi sa atin, baka maramdaman nating nag-iisa tayo. Ibig sabihin ba niyan, may mali sa atin? Hindi naman, pero ipinapakita niyan na may kulang sa buhay natin. Baka senyales iyan na kailangan nating dagdagan ang pakikipagkaibigan natin. Lahat tayo, puwedeng makaramdam na nag-iisa tayo paminsan-minsan. Puwedeng mawala lang agad ang pakiramdam na iyan. Pero para sa iba, lagi nilang nararamdaman iyan kaya talagang nalulungkot sila. Ano pa ang puwedeng maging epekto sa isang tao kapag pakiramdam niya, nag-iisa siya? Puwede siyang mawalan ng gana sa mga bagay-bagay, magalit, o ma-depress. Posible ring bumaba ang tingin niya sa sarili niya o maramdaman niyang ayaw sa kaniya ng iba o walang nagmamahal sa kaniya. Kung ganiyan ang nararamdaman mo, hindi ka nag-iisa. Nararanasan din iyan ng maraming tao. Pero ano ang puwede mong gawin para malabanan iyan at hindi ka masyadong malungkot? Makakatulong kung aalamin mo muna ang mga dahilan kung bakit mo nararamdaman iyan. Lagi Bang Masamang Mapag-isa? Hindi naman masamang mapag-isa. Kapag mag-isa tayo, baka mas nakakapag-relax tayo, mas nakakapag-isip, o mas nagagawa natin ang mga bagay-bagay nang walang abala. Maraming tao ang naglalaan ng panahon para mapag-isa kasi nakita nilang nakakabuti iyon sa kanila. Pero iba ito sa pakiramdam na nag-iisa ka. Nalulungkot ang ilang tao kasi wala silang mga kaibigan na nakakaintindi sa kanila, at nararamdaman nila iyan kahit pa may kasama silang iba